Linggo, Mayo 10, 2020

ligaya...



“JOY”

                          “Ang dami kong paperworks! Haybuhay! Ito na naman si deadline. Nagsusunod-sunod na naman sila. Sabay-sabay pa!” Ito ang bulong ko sa sarili ko, habang nag-aayos ng mga gamit ko dito sa aming munting faculty. Matatapos na naman kasi ang taon ng pag-aaral. Magpapagraduate na uli ako ng mga bata. Unting-unting natutupad na na aking mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang ang kanilang mga pangarap. Sanay wag silang susuko sa buhay. Pumatak ang mga luha sa mga mata ko habang iniisip ang mga bagay na iyon. Nakakatuwa at nakakatawang isipin na sampung taon ko nang ginagawa ang bagay na ito ngunit palagi pa rin akong emosyonal. Biglang nanariwa ang aking kabataan. Mga panahong ako palang ang nanangangarap sa buhay na gusto kong gawin pagdating ng araw.
                         “magandang Umaga baitang lima!”, si maam Umpod pagpasok na pagpasok sa aming magulong silid-aralan. Nagtigil kami sa daldalan at tumayo ng tuwid, “magandang umaga din po, Gng. Umpod!” “Ano ba iyan! Mga walang kagana-gana! Hala! Walang uupo. Tumayo kayo!” Naku po! Ayan na naman siya, magpapasayaw na naman siya sa klase dahil mga wala kaming gana. Binuksan niya ang kanyang cassette, nagpatugtog ng masigla at nagsimula nang sumayaw sa harap. Kapag ganoon na ang nangyare, wala na kaming magagwa kung hindi sumunod. Takot kasi kami sa kanya dahil katabi lang ng aming  silid-aralan ang guidance room. Kahit mga tamad-tamad kami ayan! Sumayaw din kami. “magaling!”, natutuwang sabi ng matandang guro habang kami ay kanyang pinagmamasdan. “Maari na kayong magsiupo ng maayos.” Sa wakas! Hindi pa man kami nakakaunat, nagsalitang muli si Gng. Umpod, “maglabas ng isang buong papel. Isulat ang pangalan, petsa ngayon at makinig ng mabuti sa akin. Pagkabilang ko ng lima. 1…2…” Ay! Patay! Ang  bilis bilis talagang magbilang nitong matandang ito! Nakalimutang kong bumili ng tinge sa tindahan kanina pagpasok. Lumingon ako kung sino ang maaring hingian. Naku po! Nataranta na ang aking mga kamag-aral kakahanap ng papel. Hingi dito, hingi diyaan. Teka nga! Silipin ko muna sa bag ko kung may nasingit. “3…” Ayan na!!! Sandaliiiii!!! Yes! Uy! May dalawang blangkong papel. Pagkahugot ko ng papel, nakita ng buraot kong kaibigan, “uy! Joy akin na lang yung isa ah! Salamat!”, hindi pa man ako nakakasagot, kinuha na niya sa kamay ko. “4…5!” Nga pala si Ruth iyon. Okay! Time is up!  Maging handa na sa sasabihin ni Gng.Umpod! Kabigla-bigla kasi madalas ang ipinapagawa niyan kung minsan e. Nung nakaraang araw, abay! Pinagawa kami ng tula tungkol sa laruang paborito daw naming. Ang dahilan niya, nais niya daw kaming matutong magmahal at magsikap iparamdam sa mga bagay o taong mahal naming na mahal naming sila. At ang pinakaangkop daw na maintindihan naming iyon ay sa pagsulat tungkol sa aming paboritong laruan. Napakalawak ng matandang ito ano! “Nakasulat na ba ng pangalan? May petsa na ba ang mga papel ninyo? Naku kung wala, bawas puntos ha!” Sa walong buwan ba naman naming kasama itong si Gng. Umpod hindi na naming ito makakalimutang bilin niya. Nabawasan na din kasi ang marka ko dahil doon. Malupit talaga itong si Gng.Umpod. Batas kung batas sa kanya! Walang kinilingan, sabi nga sa isang palabas na balitaan. Bumalik na nga tayo sa pinapagawa niya,”Mabuti. Ngayon, lagyan niyo iyan ng pamagat na, Ang Aking Pangarap. Isulat ninyo jaan ang nais niyong gawin kapag kayo ay lumaki na. Pagkatapos ninyo diyaan. Isa-isa ninyong babasahin sa harap ang inyong pangarap. Nagkakaintindihan ba?”, masayang sabi ng matandang guro. “Oooooopoooo!”, kaming lahat. Mabuti at hindi gaano kabigat ang pinapagawa niya ngayon. Isipin ko na nga ang gusto kong gawin sa buhay ko kapag ako ay lumaki na. Isip, isip, isip. Isip…. Isip… isip…. Aaaaaaaaaaaaaaaaaaahhhh! Anu ba yan! Wala akong maisip! Bakit ganoon? Akala madali na itong pinapagawa ni gng. Umpod! Bakit nahihirapan akong magisip ng gusto kong maging? Wala ba akong gusto kong maging? Gusto kong maging guro nung nasa ikalawang baitang ako! Pero, ngayon ayoko na. Pakiramdam ko nakakapagod maging katulad nila. Teka! Mahilig ako sa pagkain, gusto kong maging … ano nga uli ang tawag doon? Cooker? Letter C yun e, pero maikling salita lamang… mmmm… ah! Chef! E kaso hindi naman ako naghahawak ng kahit kutsilyo sa aming tahanan. Mahal ko ang pagkain pero ni magbukas ng kalan ay hindi ko pa kaya sa edad ko. Isip…. Isip…. Isip… isip… isip….isip!!! Okay! Aha! Gusto kong maging astronaut! Heheh! Wala lang. parang ganda-ganda ng kalawakan. Yun lang. at iyon na nga ang sinulat ko. Nagtawanan kaming magkakaklase nang matapos kami at isa-isa kaming tinawag ni Gng. Umpod. Marami sa amin ang hindi sineryoso ang pinagawa niya. E, ang bata-bata pa naman para masyadong mag-isip ng malalim e. Ayaw pa naming ng komplikado kaya ganoon. Napawag-wag na lang ng ulo si Gng.Umpod sa mga naging sagot namin. Hindi pa namin alam kung gaano kakomplikado ang mundo habang kami ay lumalaki. Iyon palang ang kahulugan ng kasiyahan at saya para sa inosente naming mga isipan.
                         Lumipas ang maraming taon. Matapos na kami sa sekundarya. Nagkakaproblema na. Ang hirap palang magkolehiyo! Bukod kasi sa may mga bayad na ang mga paaralan. Hindi lahat ng eskwelahan ay mayroon ang nais mong kurso. Si Junjun, magaateneo daw ata kasi gusto ng papa niya, kasi may pera sila. Wow! Sana lahat. Si Esther, kukuha ng kursong nars kasi gusto niyang magtrabaho sa ospital, tapos inofferan siya ng OlFU ba yung paalaran na iyon? Ah basta yun nga. Nasa top student kasi yun , kaya may diskwento ang matrikula niya. Si Ruth naman pumasa sa paaralang parehas sana naming gustong pasukan, pero bumagsak ako. Kaya siya na lamang ang makakapag-aral doon. Nakuha din niya yung gusto naming kuning kurso- Journalism. Masaya ako para sa kanya. Pero, nalulungkot ako para sa sarili ko. Pangarap kong paaralan yun. Pero, ayos lang din, baka di iyon parta sa akin. Siguro, baka panahon na para sukuan ko na ang pangarap ko na iyon. Nag-aral ako sa isang malapit na unibersidad malapit sa lugar naming, at kinuha ang kursong pangarap ng nanay ko. Ngayon, ako na ang tumutupad. Ako ay kumuha ng kursong, Education. Noong una, dala ng responsibiladad at gawain, kayak o ito ipinagpatuloy. Araw-araw pa ding sumasagi sa isip ko yung pangarap kong kurso. Yung pangarap kong maging isang manunulat. Yung pangarap kong maging isang mamamahayag. Hindi ako masyadong masaya. Nag-uusap pa din kami ni Ruth. Kapag nagkukwento siya, natutuwa talaga ako para sa kanya. Pero sa likod nun ang pagkalungkot para sa sarili ko. Lumipas ang maraming araw. Unti-unti nang lumalalim ang tingin ko sa kursong kinuha ko. Nagkakaroon na ako ng motibasyon para ipagpatuloy ito bilang passion at hindi responsibility. At bigla kong naisip, baka ito talaga ang para sa akin. Hindi ko naman kinalimutan ang magsulat. Sumasali pa din ako sa mga ilang patimpalak sa aming unibersidad tungkol sa masining na pamamahayag. Madalas natatalo ngunit ayos lang. Nagpapasa din ako ng aking mga katha sa isang online reading site upang maipamahagi ang aking katha. At doon, unti-unti, nasilayan ko ang tunay na kasiyahan.
                         Ngunit hindi pala doon natatapos ang lahat. Ang totoong laban ay pagtapos pa talaga ng iyong pag-aaral. Nang magtapos ako ng pag-aaral… hindi trabaho ang una kong pinagtuunan ng pansin- ang aking board exam. Hindi ako spontaneous na tao. Nais kong ang lahat ay planado. Katunayan planado ko na nga hanggang sa pagtanda ko. At wala sa listahan ko ang paghahanap ng pag-ibig. Hindi ako ipinanganak na may napakatalinong kaisipan, ngunit kapag pinlano ko, pinagsisikapan ko kaya hindi pa ako nabigo. Naipasa ko ang pagsusulit na iyon! Magaling! Ang alapaap ng pakiramdam! Yehey! Pero hindi pala ganoon kadali iyon. Dahil sa alanganin ako naghanap ng trabaho… walang tumanggap sa akin. Hindi rin pala susi ang pagkakaroon mo ng lisensya para matanggap sa trabaho. Hindi pala gaano kadali. May lisensya ka nga, hindi mo naman magamit. Wala akong mapagpilian. Kailangan ng pamilya ko ng pera. Nakalimutan kong hindi nga pala kami mayaman. Kaya, sumubok ako ng ibang trabaho. Natanggap naman awa ng Diyos! Pero hindi ako masaya. Hindi ko gusto. Pero kapag naiisip ko ang pamilya ko, nagpapatuloy ako. Hindi ito ang pinlano ko! Planado ko na ang lahat? Ano na ang gagawin ko? Akala ko dati madali ang buhay. Ngayon ko lang nalaman yung halaga ng palaging sinasabi ng mga magulang ko kapag nanghihingi ako ng limang piso, “hingi ka ng hingi akala mo ba nagtatae ako ng kwarta? Mahirap ang buhay anak!” Oo nga. Mahirap ang buhay. Sobra. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto ko nang sumuko. Hindi na ako masaya. Nakagawain ko nang maglakad pauwi kapag nalulungkot ako at nastress ako sa trabaho. Habang naglalakad, nakakita ako ng simbahan. Pumasok ako at taimtim na nagdasal. “Panginoon, ano na po ang dapat kong gawin? Nasira po yung plano ko? Tulungan niyo po ako. Gusto ko pa din pong maging isang guro.” At doon ko naisip kung gaano na mahalaga sa akin ang pagtuturo. Ang pangarap ko. Ilang buwan ang nakalipas… nakikita ko namang nagiging maayos na ang pamilya ko dahil may isa na din akong kapatid na tumutulong sa gastusin. Doon ako nagkalakas ng loob upang umalis sa aking trabaho at magapply bilang guro muli. Sinamahan ko ng matinding determinasyon at pagdarasal. Medjo may kahabaan at katagalan ang proseso. Pero worth the wait ika nga nila. Kaya ayan! Sa wakas! Natupad  ko din. Nandito na ako. Ito na iyon! Salamat po!
                              Napapangiti na lamang ako sa isiping iyon sa aking gunita. Ilang taon na nga pala ang nakalipas. Hindi ako spontaneous  na tao pero unpredictable ang mundo. Kaya kahit gaano mo pa pinlano at inihanda ang sarili mo sa kung anong darating sa buhay mo… hinding-hingi ka magiging handa. Wala kang magagawa kung hindi ang sumunod habang paunti-unti tinutupad ang nais mo. Oo, mahirap. Nakakaiyak, minsan nanaiisin mo na lamang sumuko dahil pakiramdam ko hindi mo na kaya. Yung gusto mo ng RE-SET  button sa buhay mo kasi hindi mo na gusto ang nangyayari dito. Pero walang ganoon. Kailangang magpatuloy, at sana habang nagpapatuloy na nakikibaka ka sa buhay… sana di mo nakakalimutan ang maging masaya. Sabi nga nila Happiness is a choice. Kahit pakiramdam mo walang magandang nangyayari sa buhay mo, ngiti lang, hanap ka ng bagay na makakapagpasaya sa’yo… tapos ituloy mo uli ang buhay. Yung buhay nga hindi tayo sinusukuan e, dapat ganoon din tayo. Marahil yung mga matataas nating pangarap noong tayo ay bata pa ay biglang nagbago habang tayo ay tumatanda dahil nakikita natin ang hirap ng buhay. Pero  para sa akin, hindi hadlang iyon. Ikaw pa din ang may hawak ng pangarap mo, ikaw pa din ang maaring tumupad non o maaring magbago non. Kung gusto mong maging president bakit hindi? Kung gusto mong maging tanod bakit hindi rin? Walang mababang pangarap sa taong ang totoong nais ay maging masaya sa buhay. Nasabi ko bang wala sa plano ko ang magasawa? Nakakatawa! May dalawa na akong anak ngayon. At may napakamapagmahal na asawa.
                      “Gng. Santos! Tawag na po kayo sa entablado, magsisimula na po ang praktis ng pagtatapos ng mga bata”, isang mag-aaral ang tumawag sa akin mula sa pintuan ng faculty. “Osige na. Susunod na ako. Ayusin ko lang itong gamit ko.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento