Miyerkules, Mayo 6, 2020

21




Melancholy

                                     Matagal-tagal na din nang huli ko siyang nakita. Nang huli ko siyang nakausap. Kampante akong nalimot ko na siya. “Kaya  ko na uli siyang harapin”, nasabi ko sa sarili ko. Sa wakas! Kinaya ko nga! Okay na ako sa mga bagay na nakikita ko sa social media tungkol sa kanya. Okay na ako sa magiging presensya niya kung, magkikita kami. Alam ko yun, kampante ako. Masaya ako para sa sarili ko. Kasi nabuo na uli ako. Kay tagal ding di mabuo ng isang bahagi sa sarili ko dahil sa kanya. Dahil sa kakatanong ko ng “what if?”, sa kakahintay ko na baka bumalik siya…baka may pag-asa pa. Baka pwede pa. At ito na nga! Maayos na uli ako, ang puso ko. Handang-handa na uli akong magmahal. Yung buo, yung kaya ko nang sumugal. Kaya ako ay sumubok uli. Ang hindi ko inasahan, muli pala siyang babalik. Nakaya kong harapin siya, pero di ng puso ko. Iba pa din pala ang dala nyang kilig sa akin. Nakakaramdam pa din ako ng paru-paru sa aking tiyan kapag siya ay nagdadaan at nasisilayan. Para akong “teenager” na nagdadalaga na unti-unting natunaw nang masilayan siya. At oo, sa pangalawang pagkakataon, sa kanya pala ako uli susugal. Pero iba na ngayon. Kung dati sigurado kami na pareho kami ng nararamdaman at sadyang takot akong sumugal. Ngayon, handang-handa na akong sumubok. Kayang-kaya ko nang magmahal ng buo at sumugal.  Kaya ayun, hindi ko na pinalampas ang pagkakataon. Sinungaban ko na ang panahon. Ipinagdasal ko na din siya sa Diyos, “siya na po ang gusto kong makasama sa habang buhay. Siya na po ibigay niyo sa akin, Panginoon.” Ngunit, may nakaligtaan pala ako… ang nararamdaman niya. Hindi ko na nga pala sigurado. Hindi ko na sigurado kung ganoon pa din. Posible bang hindi nabawasan ang pagmamahal na nararamdaman niya para sa akin sa tagal ng panahon? O  mas posibleng naglaho na ito? Ang tanga ko! Sumungab agad ako, hindi ko nasigurado kung parehas pa kami ng nararamdaman. At marahil alam niyo na ang kinahinatnan ko…oo, nasaktan na naman ako. Malungkot na naman ako. Ako na naman ang umiyak. Ako na naman yung naiwan. Ang tanga ko!  Noong una, hindi ko binigay ang lahat sa pag-ibig kaya ako ang naiwan. Ngayon, handa ko nang ibigay ang lahat, ayun iniwan pa ako. Nasaktan pa din ako. Pag-ibig, saan mo ba ako gusting lumugar? Baka hindi talaga ako para dito ano?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento